Bio
Talambuhay
Maraming salamat sa pagbisita,
Ito ay isang maiksing sanaysay, isang talambuhay, na aking bukas na ibabahagi na minabuti kong ilathala sa wikang Filipino. Ang layunin ng pahinang ito ay maging sisidlan ng inspirasyon ang aking mga ibabahaging kwento, nang sa gayon, hindi manatiling malalim na palaisipan ang aking tinahak na daan patungo sa kasalukuyang pribilehiyong tinatamasa. Kung dili man, nawa’y magbigay ng isang makabuluhang perspektibo at paalala ng realidad ng isang Pilipino sa mga liblib na pook na hindi kadalasang natitingkaran ng liwanag ng kaunlaran ng mga lungsod.
Aminado ako. Ilang beses ko rin pinag-isipan kung ibabahagi ko ang pahinang ito dahil sa mga naranasang pangungutya ng mga materyalistikong taga-syudad na ang aming pagsisikap diumano ay nagbunga lamang daw dahil sa aming nakaaawang kalagayan bilang mahirap na Pilipino. Bagkus, ang pahinang ito, na puno man ng realidad ng aming kahinaan para sa ilan, ay isang salamin ng aming katotohanan at isang binhi ng aming kalakasan.
Hinihiling ko ang inyong mapayapang pagbabasa,
Joshua
Talaan
I. Ang Banig ng Pagkapayak
Sa munting bayan ng Paete sa Laguna. Habang nakaharap sa bundok ng Sierra Madre, dudungaw sa bintana ng aming tahanan, at sasalubungin ang sikat ng araw at kaulapan sa silangan. Dadako pakanluran upang bagtasin ang daang patungo sa palengke at paaralan sa tabi ng ilog, patungo sa parkeng bahagi ng lawa ng Laguna, habang binibilang ang hakbang patungo sa simbahan, sa palaisdaan, sa mga bangka, sa palayan, sa plaza, sa patio, sa kabundukan, at sa silid-aralan. Ito ang mga masasaya at makukulay na imaheng laging nakatatak at nakaukit buhat mula pagkamusmos. Isang payak na kinalakihan, hindi materyalistikong simula, puno ng maka-Pilipinong paglingap at magiliw na pagbati ng “Magandang Umaga po, Mam, Sir, Kuya, o Ate” kahit kaninoman.
Ika-21 ng Agosto 1997 nang ako ay pinagbuksan ng pinto ng daigdig. Hindi sa magarbong pagamutan, kundi sa isang banig sa sahig ng aming tahanan sa tabi ng kalsada (informal settlement), kasama ang mabait na komadrona (Liza Madridejos) ng aming bayan. Sa pag-aaruga ng napakasipag na haligi (Loreto Rivera Dimasaka) na isang tricycle driver kahit pagmamay-ari ng iba ang inalalabas na tricycle at hindi nakapagtapos ng elementarya dahil sa kahirapan, at ng mapagmahal na ilaw (Elizabeth Valenzuela Tabor) na kinayod ang pag-aaral niya at ng kanyang mga kapatid bilang isang katulong at tagapagluto, subalit naabuso, ibinenta, hindi pinasweldo, at ipinakulong para makatakas sa lupit sa gitnang silangang Asya bilang isang domestic helper. Ito naman ang ilan sa aming malulungkot na pahina na laging nagpapaalala ng halaga ng kasipagan, determinasyon, at pagpupursigi, anumang antas at katayuan sa lipunan.
Paglipas ng mahigit dalawang dekada, hindi namin mahihinuha ang kapalarang maghahantong sa paglalakabay sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos, sa Stanford University sa Estados Unidos hanggang sa University of Cambridge sa Inglatera at German Aerospace Center sa Alemanya.
II. Isang Matematikang Aklat sa Basurahan
Kung ilalarawan ko ang aking kasalukuyang pananaw sa edukasyon, ito na marahil ang palaging nagpapaalala sa akin ng pinaghalong lungkot at galit: kung bakit walang pagkakapantay-pantay, kung bakit ang mga mayayaman ang may lugar at boses lamang sa silid-aralan, kung bakit ang mga taga-syudad ang kadalasang may gantimpala sa mga paligsahan, kung bakit kinukutya ang isang mag-aaral na hindi nakapag-agahan habang suot ang inulit na maruming uniporme at butas na sapatos, kung bakit ang ilaw mula sa poste sa kalsada at gasera sa lata ang aming lampara para tapusin ang takdang-aralin sa lalim ng gabi, kung bakit hindi pinapansin at kinakaibigan ang mga masisipag na nag-aaral, at kung bakit ang aking ina at ama ay hindi nabigyan ng patas na pagkakataon sa trabaho. Ilan lamang ito sa mga naging imahe ng aking kabataan bilang isang mag-aaral.
Kung mayroon man na materyal na kasangkapan na maaaring maging piping saksi, ito siguro ay ang isang matematikang aklat sa basurahan. Ang kwentong ito ay una kong naibahagi sa aking sanaysay para sa isang prestihiyosong gantimpala mula sa Stanford University na naging daan para magawaran bilang unang Pilipinong iskolar ng Knight-Hennessy noong 2019.
Tuwing pasukan mula elementarya hanggang sekondarya, kapos at hiraman kami ng aklat sa klase. Wala ring maayos na silid-aklatan ang bayan at ang paaralan. Sa halip, sa kasipagan ng aking ina sa paglilinis ng aming tahanan, mayroong pagkakataon na kinukuha niya ang mga patapong aklat sa basurahan o junkshop, at lilinisin ang bawat pahina gamit ang basang basahan. Habang bakasyon ng taong 2009, katatapos lamang ng elementarya at naghahanda para sa sekondarya, malinaw na malinaw pa ang aking mga alaala na sinusubukan kong aralin ang algebra kahit walang gurong kasama. Pilit inuunawa sa paulit-ulit na pagbabasa, kahit ang pahina ng aklat ay kulang-kulang, putol-putol, tagpi-tagpi, at ang ilan ay punit na. Ito ang simula ng aking masidhing paniniwala na, anuman ang larangan na ibigin nating tahakin, hindi natin kailangan ng institusyon para simulan ang paglalakbay, bagkus taglay natin ang katapangan para buklatin ang pahina ng aklat.
Nagpatuloy ang kasanayang ito na nahulma mula pagkabata hanggang tumuntong ng kolehiyo. Ilan sa halimbawa ay ang pagkamit ko ng mga pinakamataas na grado sa PHYS 81 (Fundamental Physics I), pinagsabay na ENSC 12 (Dynamics of Rigid Bodies) at ENSC 13 (Strength of Materials), at ENSC 21 (Mathematical Methods in Engineering), na, para sa ilan, ay naging lubos na makamandag na mga kurso sa pag-aaral ng engineering. Dahil dito, ito rin ang naging daan kung bakit ang aking pangalan ay naging tanyag sa unibersidad.
Gayunpaman, hindi ko masasabi na ang pagkamit ng mataas na grado ang natatanging punto ng edukasyon. Maraming pagkakataon na ako ay nagkaroon ng rebolusyon sa aking damdamin at kaisipan dahil sa kabalintunaan ng pagtuturo — isang propesyon na lubos kong pinahahalagahan dahil sa kakulangan nito sa malalayong lugar. Hindi natin maitatanggi na mayroong mga pagkakataon na kung saan ay hindi na makatwiran ang pagpapahirap ng iilang mga guro na lilikha ng hindi makatotohanang pagsusulit na mayroong mali-maling aralin at tumatapak na sa integridad ng tunay na layunin ng edukasyon. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako personal na nagpatuloy upang irepresenta ang aming unibersidad sa isang nasyonal na paligsahan sa larangan ng civil engineering … dahil batid ko, kahit mataas ang tingin ng ilang Pilipino sa aming unibersidad, hindi ito ang sasalamin ng integridad ng edukasyon na aking natutunan mula sa isang matematikang aklat sa basurahan.
III. Hanggang dito na muna …
Ako ay taos-pusong nagpapasalamat sa iyong pag-abot sa dulo ng pahinang ito. Nawa’y nagbigay ito ng lalim sa likod ng aking propesyonal na aktibidad. Bukas ang aking komunikasyon sa inyong repleksyon, maiksi man o mahaba: dimasakajoshua@gmail.com